top of page
Search

Tugon sa Krisis ng Literasi: Boses ng mga Guro


Noong ika-4 hanggang ika-6 ng Mayo, 2026, ay isinagawa ang Zambales District Training Workshop, na may paksang  District Training on Effective Strategies in Teaching the ABCs of Reading, sa mga guro sa iba’t-ibang paaralan sa Sta. Cruz at Candelaria District ng Zambales. Sa pag-oorganisa ng mga pangunahing institusyon at organisasyon, at sa pangunguna ni Daisy Jane Calado, matagumpay na naisagawa ang inisyatibo at ang pagpapakilala sa Let’s Read! at Magbasa Tayo! Series, at sa K-3 Reading Package na nasa Filipino at Ingles.


Sa isang assessment na isinagawa ng EDCOM 2 sa mga Grade 11 na estudyante noong Marso 2026, lumalabas na nasa 87% ng mga Grade 11 na estudyante ang nahihirapan sa pagbabasa mag-isa. 


Bilang pagtugon sa krisis sa pagbasa at literasi, kagaya ng naging resulta ng pag-aaral sa mga nasa Senior High School, nagsikap at nagsama-sama ang iba’t-ibang mga institusyon at mga organisasyon upang magsagawa ng mga mahahalagang oryentasyon sa mga paaralan at mga guro. Ang mga materyales sa pagkatuto at pagbasa ng Lampara Books ay epektibo ring napagtibay na magamit ng iba’t-ibang mga dibisyon at rehiyon sa bansa.


Ayon kay Daisy Jane Calado, isang Reading Intervention Specialist at awtor ng Let’s Read! Series, ang Lampara Books ay may misyong marating ang “kasulok-sulukan ng Pilipinas” at ang mga batang Pilipino, at masigurong ang mga inisyatibong ito ay makatulong sa “pagsugpo at pagresolba ng krisis sa pagbabasa at sa pagkatutuo sa (literasi) at numerasi”.



Isa ang Let’s Read! Series at Magbasa Tayo! Series sa mga nagpasimula ng adbokasiya ng Lampara Books sa pagtugon sa krisis sa pagbasa at literasi.


Kaalinsunod din ng matagumpay na oryentasyon ni Daisy Jane Calado sa mga guro sa Zambales, nakapanayam din ang ilang mga guro sa magkakaibang mga paaralan tungkol sa kanilang naging karanasan sa pagtuturo ng pagbasa at ang kanilang mga bagong pananaw at pag-unawang nakuha mula sa naganap na palihan.


Isa sa mga nakapanayam ay si Teacher Zhane Michael E. Gallardo, isang guro sa Pinagealan Integrated School na nagtuturo sa Grade 4, 5, at 6. Ayon sa kaniya, nagkaroon siya ng mga bagong ideya at pamamaraan upang mas maintindihan ng mga bata ang kaniyang mga aralin sa pamamagitan ng mga materyales sa pagbasa at pagkatuto na ibinahagi sa palihan. Ganito rin ang naging pahayag ni Teacher Lealaine L. Merced ng San Fernando Elementary School nang ibinahagi sa kanila ang mga estratehiyang nagbibigay ng kalayaan sa mga bata na maging malikhain at palawakin ang kanilang imahinasyon.


Ang guro namang si Teacher Shyrell E. Vargonic mula sa Sinabacan Elementary School ay sumang-ayon na angkop sa pagtuturo sa mga bata ang paggamit ng mga kuwento at mga makukulay na ilustrasyon. Hinihikayat naman ni Teacher Julius Hallado ang pagtatanong bilang paraan upang mahikayat ang mga estudyante sa pag-iisip at malaman ang mga bagay na kanilang natutunan sa isang paksa.


Tuloy-tuloy ang Lampara Books sa layunin nitong masolusyonan ang krisis sa pagbasa at literasi, at ang paggawa ng mga materyales at mga produktong magsusulong ng mataas na kalidad ng pagbasa at pagkatuto sa Pilipinas.


Hinihimok ni Dasiy Jane Calado at ng Lampara Books ang mga guro, stakeholders, mga institusyon at mga organisasyon na may kinalaman sa pagkatuto at paghubog sa mga kabataan, na tulungan at gabayan ang mga kabataang Pilipino para sa pagtahak nila sa kanilang hinaharap.


LAMPARA BOOKS! Para sa mas matalino na mga Batang Pilipino!



Maaaring mapanood ang buong dokumentaryo sa mga sumusunod na plataporma:


Sulat ni Bea Nicole Aguilan 


 
 
 

Comments


bottom of page