top of page
Search

Segundo Matias Jr. Nanawagan Para sa Mas Inklusibong Mga Aklat-Pambata: “Let’s Include Every Child”

5 days ago
3 min read

Ang mga batang may iba’t ibang kakayahan at karanasan ay dapat na makita ang sarili nilang kinakatawan sa mga aklat na kanilang binabasa. Ito ang sinabi ng awtor at publishing executive na si Segundo Matias Jr., na nananawagan para sa mas inklusibong mga panitikang pambata.


Kaniya ring sinabi na dapat nakikita ng mga bata na sila at ang iba pa ay nailalarawan sa mga aklat at mga learning materials na kanilang ginagamit. Pinaalala niya rin na ang mga batang may kapansanan ay madalas na hindi nabibigyang-pansin dahil ang kanilang representasyon ay limitado sa kung ano ang “tipikal”.


Ang adbokasiyang ito ni Matias para sa higit na pagiging inklusibo ay makikita sa naging tema ng Lampara Books nitong naganap na Manila International Book Fair (MIBF) 2026. Ang booth, poster, at ticket ng Lampara Books ay nagtampok ng mga batang may kapansanan, pati mga batang mula iba’t iba ang pinagmulang lahi at etnisidad.



Ang inisyatibo ay hango sa sariling karanasan ni Matias na may ADHD at ang kaniyang reyalisasyon na kaniyang nakuha mula sa pakikinig sa isang diskusyon ng Department of Education tungkol sa representasyon sa mga textbooks. Binanggit niya na ang mga batang may kapansanan ay banagi rin ng mga silid-aralan at mga komunidad, ngunit ang mga ilustrasyon sa mga aklat ay madalas ipinapakita ang mga bata na may kumpletong mga paa’t kamay.


“Bakit puro kumpleto ‘yong kamay? Samantala, sa totoong buhay, meron naman talagang putol ang kamay,” sabi ni Matias.


Para sa kaniya, ang isyu ay higit pa sa simpleng representasyon. Kapag ang mga bata ay patuloy na hindi naisasama sa mga kuwento at mga larawan sa paligid nila, mararamdaman din nilang hindi sila kabilang, na siyang nakakaapekto sa kanilang self-esteem.


“They’re being left out,” wika niya. “They need to be accepted and understood.”


Para kay Matias, ang inklusyon ay hindi lamang pagbibigay espasyo sa mga batang may kapansanan, kundi ito rin ay tumutulong na sila’y matanggap at maunawaan ng mga bata.


Naniniwala si Matias na ang mga aklat ay malaki ang papel sa pagtuturo ng pagtanggap nito. Ginawa niyang mga halimbawa ang mga taong may kapansanan na naging mga manunulat, mga singer, mga pintor, at mga propesyonal bilang mga taong may talento na madalas hindi napapansin dahil hindi sila kagaya ng mga “tipikal”.


Ito ang kuwento sa likod ng mga disenyo ng Lampara Books noong MIBF 2026, na hindi lamang simpleng ipinakita ang mga tradisyonal na representasyon ng mga bata. Para kay Matias, ang pagpapakita ng mga batang may kapansanan at mula sa iba’t ibang karanasan ay isang paraan ng pagrepresenta sa ating mundo.


“Sinimulan ko na hindi lang mga batang typical ang ipinakita ko rito, kundi iba’t ibang klase ng bata kasi ‘yon ang mundo,” sabi niya.


Ang inisyatibo sa pagiging inklusibo ay ipagpapatuloy rin sa mga kuwentong nais ilimbag ng Lampara Books. Sinabi ni Matias na ang Lampara Books ay bukas sa mga kuwentong nagtataglay ng mga taong may iba’t ibang kapansanan at mga karanasan, kasama na ang pagkabulag, Down Syndrome, ADHD, autism, at iba pa.


“We welcome those,” wika niya. “Let’s include them.”


Para kay Matias, ang paggawa ng mga aklat pambata na mas inklusibo ay isa ring parte ng pagtugon sa mas malawak na hamon sa paghikayat sa mga bata na magbasa. Ang mga librong nagpapakita ng iba’t ibang karanasan, ayon kay Matias, ay makatutulong sa mga bata na mahanap ang kanilang sarili sa mga kuwento at makatutulong na matulungan ang iba na maunawaan ang mga karanasan na maaaring iba sa kanilang sariling karanasan.


Noong MIBF 2026, ang pananaw na ito ang ipinakilala ng Lampara Book, hindi lang sa tema nito, pero bilang isang panawagan din na gawing diverse at inklusibo ang mga panitikang pambata.



Sulat ni Gary Ann Lastrilla

Isinalin sa Filipino ni Bea Nicole Aguilan



 
 
 

Comments


bottom of page