top of page
Search

Lampara Books Suportado ang ARAL Program ng DepEd sa pamamagitan ng Batang Lampara, Batang Kuwentista Storytelling Competition

3 days ago
3 min read

Batang Lampara, Batang Kuwentista ay parte ng mas malawak na hangarin ng Lampara Books na mahikayat ang mga bata na tangkilikin ang pagbabasa.


Patuloy ang Lampara Books sa tradisyon nitong itaguyod ang pagbabasa sa pamamagitan ng Batang Lampara, Batang Kuwentista 2026, ang pambansang paghahanap ng mga malikhaing batang kuwentista. Ang Grand Finals ng nasabing kompetisyon ay ginanap noong ika-12 ng Setyembre 2026, sa SMX Convention Center Manila sa Mall of Asia Complex, Pasay City, kung saan ang top three finalists ng dalawang kategorya ay nagtanghal at nagpakitang-gilas.


Parte ang Batang Lampara, Batang Kuwentista 2026 sa mas malawak na adbokasiya ng Lampara Books na mapabuti ang relasyon ng mga bata sa pagbabasa. Ang inisyatibo ay pinupunan ang mga priyoridad sa literasi na tinutukoy ng ARAL Program ng Department of Education, isang programang nagbibigay ng systematic intervention sa mga batang mag-aaral na nangangailangan ng adisyonal na suporta sa kanilang academic competencies, lalo na sa pagbabasa.


Ipinagmamalaki rin ng Lampara Books ang kanilang mga programa sa literasi, kagaya ng Magbasa Tayo! (Marungko Approach) at Let’s Read! (Systematic Phonics). Ang mga inisyatibong ito ay patuloy na kasama sa iba't ibang adbokasiya ng Lampara Books na siyang nakatutulong sa mga bata na makabuo ng pagpapahalaga sa mga aklat at literatura.

Ang mga nanalo sa Batang Lampara, Batang Kuwentista 2026 ay inanunsyo rin noong Manila International Book Fair.


Category A:

1st Place: Catriona Xia C. Gacutan

2nd Place: Zander Skye H. Saplagio

3rd Place: Ameera Estelle E. Incognito


Category B:

1st Place: Czarina Sophia L. Hinanay

2nd Place: Ma. Daniela C. Mejos

3rd Place: Alamela G. Cacho


Ang mga finalist ay pinanood at sinuri ng mga judges na sina Pepot Atienza, isang multidisciplinary artist at children’s rights advocate; Melanie Ramirez, isang kuwentista, puppeteer, at propesor; Eugene Evasco, propesor sa creative writing at literature sa UP Diliman at isang awtor; Portia Padilla, propesor ng Reading Education sa UP Diliman at isang awtor ng mga aklat-pambata; at si Csairus John Habla, isang senior member ng Philippine Educational Theater Association.



INCLUSIVITY AND REPRESENTATION


Ngayong taon, ang kompetisyon ay nilahukan ng 416 na mga bata at 139 na mga paaralan sa buong bansa. 45% ng mga kalahok ay mula sa iba’t ibang mga lungsod at probinsya sa labas ng National Capital Region (NCR). Sa pamamagitan ng online submissions, binigyang-pagkakataon ng Batang Lampara, Batang Kuwentista 2026 na makasali ang mga batang mula sa malalayong mga komunidad at mga lungsod nang hindi bumibiyahe papunta sa Maynila.


Ayon kay Segundo Matias Jr., ang co-founder at presidente ng Lampara Books, ang mga kalahok ngayong taon ay namumukod-tangi dahil sa kanilang natatanging at likas na pagkukuwento. Sa kabila ng kanilang murang edad at sa halip na magtanghal ng mga pinag-isipang interpretasyon, karamihan sa mga kalahok ay ginawang malikhain at “spontaneous” ang kanilang pagkukuwento.


“Hindi maikakailang malikhain ang mga bata,” pag-amin ni Matias habang inilalarawan ang mga pagtatanghal ngayong taon bilang natural at sobrang malikhain. Kaniya ring nabanggit kung paanong nagkakaroon ng refreshing rawness ang kalidad ng mga pagtatanghal dahil sa interpretasyon at malikhaing pag-iisip na ginamit ng mga bata sa kanilang mga kuwento.



A NATIONAL CONCERN


Ang adbokasiya sa pagbabasa ay nananatiling isang pambansang usapin na kinakailangang maging priyoridad. Binigyang-diin ni Matias ang pangangailangang malinang ang bagong henerasyon ng mga bata upang kanilang makita na ang pagbasa ay isang makabuluhan at nakasisiyang gawain na kanilang babalik-balikan.


Habang patuloy na umaasa ang mga bata sa mga advancements kagaya ng artificial intelligence (AI), ang Batang Lampara, Batang Kuwentista ay nagbibigay ng alternatibo at sustainable na paraan para maitaguyod ang kahalagahan ng pagbabasa sa modernong panahon. Ang hamon ay hindi ang labanan ang mga pagbabagong ito, kundi ay matiyak na ang koneksyon ng mga bata sa pagbabasa ay hindi maging kabayaran sa pag-unlad ng teknolohiya. “Ang Batang Lampara, Batang Kuwentista ay isang inisyatibo para lalo pang matutong magbasa ang mga bata. Hindi tayo dapat magpabaya. Gusto ihatid ng Lampara Books na mas masaya ang pagbabasa, kaya ginawa itong pagtatanghal para lalo pang mapalaganap ang pagbabasa.”




Sulat ni Ian Emmanuel C. Urrutia

Isinalin sa Filipino ni Bea Nicole Aguilan




 
 
 

Comments


bottom of page