Muling Ipinakilala ng Lampara Books ang Filipino Children’s Literature sa Frankfurt Book Fair 2026 at ang Panawagan para sa mas Inklusibong mga Kuwentong-Pambata
Muling ipinakilala ng Lampara Books ang mga kuwentong sumasalamin sa mga karanasan ng mga batang mambabasa sa Frankfurt Book Fair 2026, kung saan muling naibahagi ang panitikang pambata ng bansa sa internasyonal na entablado. Ang mga kuwentong pambata ng Lampara Books ay tinatampok din ang kahalagahan ng inclusive storytelling.
Ginanap mula ika-7 hanggang ika-11 ng Oktubre ngayong taon sa Frankfurt, Germany, itinampok ng international book fair ang pitong aklat-pambata ng Lampara Books: A Different Shade of Purple, Anya’s Tiny Shoes, Family Stories, Fish For Two, Rosamistica, The Maiden Who Defeated the King, at Words Have Power.
Ang iba pang mga itinampok mula sa Lampara Books ay ang mga aklat-pambata na Ako ay May Kiki, Ako ay May Titi, at Kaloka Ka, Lolo!, pati na rin ang mga seryeng Digital Pinoy Kids Series, Sari-sari Books, at K-3 Reading Package.


Sa kaniyang presentasyon sa Asia Stage, ibinahagi ni Segundo Matias Jr., presidente ng Precious Pages Corporation (PPC) at Lampara Books, ang kuwento sa likod ng Lampara Books. Patuloy ang kanilang dedikasyon sa paglilimbag ng mga kuwentong sumasalamin sa buhay ng mga kabataan, pinatitibay ang kanilang mga identidad, at tinutulungan silang maunawaan ang karanasan ng iba’t ibang taong naiiba sa kanila.
Sa humigit-kumulang tatlong dekada sa children’s publishing, pinagdiinan ni Matias na ang mga bata ay nakakapagbasa ng mga kuwentong hindi lamang nakakapukaw ng kanilang atensiyon, kundi tinutugunan din ang mga isyu na kailangan nilang maunawaan. Kabilang sa mga kuwentong ito ay mga kuwentong tungkol sa mga batang pinalaki ng mga single parent, mga lolo at lola, adoptive parents, at mga tagapag-alaga ng bata, pati na rin mga naratibong pinag-uusapan ang kahirapan, kaligtasan ng mga bata, at pagdadalamhati.
“Every child deserves to see themselves in a story–and every child deserves stories that help them understand the world,” sabi ni Matias.

Binanggit din ni Matias ang ilang mga aklat na hinihikayat ang mga bata na matutuhan ang mga tamang terminong ginagamit para sa iba’t ibang bahagi ng katawan at ang pag-unawa sa pangangalaga sa sariling katawan. Ayon din sa kaniya, pinatunayan ng pagtanggap sa mga kuwentong ito kung paano ang mga aklat ay nakapagbubukas ng mga usapin tungkol sa mga paksang nahihirapan o nahihiyang talakayin ng mga tao.
Ang Lampara Books ay naglilimbag din ng mga aklat tungkol sa disaster preparedness at digital literacy, na ipinapakita ang mas malawak nitong layunin na ipaunawa sa mga batang mambabasa ang mga kaalamang magagamit nila sa pagharap sa iba’t ibang hamon ng buhay.
Para kay Matias, ang inklusibong panitikang pambata ay nangangahulugang paggawa ng mga aklat kung saan nakikilala ng mga bata ang kanilang sariling karanasan sa kuwento, kabilang ang mga karanasang kulang sa representasyon sa literatura, habang natututong intindihin ang karanasan ng iba.
“We believe no child should feel invisible in the pages of a book,” ayon kay Matias.
Gayundin, layunin ng Lampara Books na palawakin ang representasyon nito sa panitikang pambata ng bansa sa pamamagitan ng mga kuwentong tumatalakay sa gender equality, disability, at neurodivergence.
“Lampara Books stands firmly for inclusion,” wika ni Matias.
“Whether a child lives with a disability, is neurodivergent, or simply experiences and understands the world differently from what is considered typical, their story matters. Their voices matter. Their dreams matter,” dagdag pa niya.
Para kay Matias, ang panitikang pambata ay higit pa sa pagiging libangan. Ito ay dapat na nakapagbubukas ng kaisipan, bumubuo ng empatiya, at nagbibigay ng ligtas na espasyo sa mga bata na magtanong ng mga mabibigat na tanong at maramdaman na sila ay nabibilang sa espasyong iyon.
“Because every child deserves a story, and every story has the power to change a child’s life,” sabi ni Matias.
Sulat ni Gary Ann Lastrilla
Isinalin sa Filipino ni Bea Nicole Aguilan



Comments