Mga Klasiko at Modernong Panitikan: Itinampok ng Lampara Books sa Selebrasyon ng Pambansang Buwan ng Pamana
- Lampara Books
- 6 days ago
- 3 min read
Updated: 1 hour ago
Bilang pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Pamana, naglunsad ang Lampara Books ng bagong koleksiyon ng mga akdang pampanitikan at pang-edukasyon noong ika-19 ng Mayo 2026. Itinatampok ng bagong koleksiyon ang mga Pilipinong tradisyon ng pagkukuwento, pagpapahalaga sa ating kultura, at pagtuturo ng mabubuting asal sa mga batang mambabasa.
Ang mga klasikong Pilipino, kontemporaryong pagsasalaysay, at edukasyonal na serye na kabilang sa selebrasyon ay nakaayon sa misyon ng Lampara Books na maglathala ng mga librong madaling ma-access, nagtuturo ng mga halagahan, at may kaugnayan sa ating kultura para sa mga bata at pamilyang Pilipino.
Kasama sa kinilala ay ang mga bagong edisyon ng Ibong Adarna at Florante at Laura, na mapahanggang ngayon ay itinuturing na mahahalagang akda sa panitikang Pilipino.
Iniayos ng iskolar at tagapagsulong ng panitikang pambata na si Eugene Y. Evasco, ang bagong edisyon ng Ibong Adarna ay naglalaman ng mga buod ng bawat kabanata, talasalitaan, at gabay sa komprehensiyon na nakadisenyo para sa mga estudyante, guro, at independent reader. Kabilang din sa edisyong ito ang cover art na iginuhit ni Arnaldo Mirasol at ang mga ilustrasyon sa loob na iginuhit ni Randy Valiente.
Ang Florante at Laura naman ay may kasamang talababa at paliwanag habang ipinapanatili ang historikal at lingguwistikong integridad ng teksto. Ang bagong edisyon ay naglalaman din ng mga buod, talasalitaan, gabay na tanong at mga ilustrasyon na iginuhit ni Rowin Agarao.
Itinampok din ang mga bagong edisyon ng Mga Kuwento ni Lola Basyang, na muling isinalaysay ng premyadong manunulat na si Christine S. Bellen-Ang at iginuhit ng iba’t ibang Pilipinong ilustrador. Hango sa mga klasikong kuwento ni Severino R. Reyes, ang koleksiyon ay muling ipinakikilala ang mga kuwentong puno ng imahinasyon, moralidad, at pag-alala sa ating kultura.
“Ang mga kuwentong ito ay matagal nang may tahanan sa ating kabataan.” These stories have long occupied a cherished place in Filipino childhood, wika ni Segundo D. Matias, Jr., presidente ng Lampara Books at ng Precious Pages Corporation. “Sa pamamagitan ng mga bagong edisyong ito, hangad naming mapangalagaan ang mga pamanang ito at iparanas sa bagong henerasyon ng mga mambabasa ang pagtuklas sa kagandahan, karunungan, at pagkatao na mahahanap sa loob ng ating mga tradisyon ng pagkukuwento.” Through these new editions, we hope to preserve their legacy while allowing a new generation of readers to discover the beauty, wisdom, and humanity found within Filipino storytelling traditions.
Ipinakilala rin ng Lampara Books ang mga bagong edukasyonal na serye na may layuning suportahan ang literasi at pag-unlad ng mga bata.
Kabilang sa mga ito ang serye ng Decodable Comics for Fluency na nasa Filipino at Ingles. Ang seryeng ito ay binubuo ng mga pamamaraang nakabatay sa pagbigkas at palatinigan na nagpapatatag sa pundasyon ng kasanayan sa pagbasa. Ang serye ay isinulat ni Daisy Jane Calado, na kaniyang iniugnay kay Victor Villanueva, at iginuhit ni Rowin Agarao.
Ang seryeng Kids Have Rights! ni Michellan Sarile-Alagao, guhit ni Kim Alexis Santiago, ay ipinapakilala sa mga bata ang kanilang mga karapatan sa pamamagitan ng mga naratibong madaling maunawaan.
Ang seryeng Sari-Sari Books ni Genaro R. Gojo Cruz, guhit ni Domz Agsaway, ay itinataguyod ang pagkakaiba-iba, pagiging inklusibo, at pagpapahayag ng sarili.
Kabilang din sa mga inilabas ang seryeng Disaster Ready-Kids ni Zarah C. Gagatiga, guhit ni Juno Abreu, na tumatalakay sa paghahanda sa mga sakuna, at ang Kaligtasan para sa mga Bata ni Mark Normal Boquiren, guhit ni Aldy C. Aguirre, na nagpapaunlad ng kaalaman sa public safety.
Ayon sa Lampara Books, binibigyang-diin ng mga bagong akdang ito ang pagbabasa hindi lamang bilang paraan ng pagpapanatili ng kultura at tradisyong Pilipino, kundi bilang pundasyon para sa edukasyon, imahinasyon, at pagpapaunlad ng bayan.

Sulat ni Gary Ann Lastrilla
Salin sa Filpino ni Bea Nicole Aguilan



Comments