top of page
Search

Lampara Books Kasama sa Panawagang Matugunan ang Literacy Gaps sa 2nd International Literacy Conference

Sep 25
3 min read

Sa pagtugon sa mga literary gap, kinakailangan ang matibay na koneksyon sa pagitan ng effective reading instruction at access sa mga libro, na makakatulong sa pagbuo ng skills at interest ng mga bata sa pagbasa.


Ito ang pinagtuunan ng pansin ng Lampara Books sa kanilang partisipasyon sa 2nd International Literacy Conference on the Science of Reading and Learning, na ginanap noong ika-21 hanggang ika-23 sa Naga City, Camarines Sur. Ang tema ng nasabing conference sa taon na into ay “Bridging Gaps in Literacy Education: Science of Reading and Learning for an Inclusive Future.”


Ang Lampara Books ay nirepresenta sa conference ni Segundo D. Matias Jr., presidente ng Lampara Books at ng Precious Pages Corporation, kasama ang mga author-educator na sina Victor A. Villanueva, Daisy Jane Calado, at Eugene Y. Evasco, na nagbahagi rin ng kanilang perspektibo sa literasi, reading instruction, kuwentong pambata, at pagku-kuwento.


Para kay Matias, ang pagpapatibay ng literasi ay isang responsibilidad na umaabot sa labas ng klasrum. Habang ang mga guro ay may papel sa pagpapaunlad ng abilidad ng mga bata sa pagbasa, ang mga manunulat at mga publisher ay maaari ring mag-ambag sa pamamagitan ng paggawa pa ng mga aklat na ginagawang makabuluhan ang pagbabasa at hinihikayat ang mga bata na magpatuloy sa pagbabasa.


“Literacy is a shared responsibility. Teachers are at the heart of helping children become readers, but writers and publishers also have a role in providing stories and books that can encourage children to read and continue learning,” sabi ni Matias.


Binigyang-diin niya na ang pagkakaroon ng access sa mga kuwento ay nakatutulong sa mga bata na makita ang pagbabasa hindi lamang bilang isang requirement, kundi bilang isang oportunidad na matuto, harayain, at makasalamuha ang mundo sa paligid nila.


“Reading gives children access to knowledge and imagination. When we give them the right support and meaningful stories, we give them more reasons to read and keep learning,” dagdag niya.


Ibinahagi rin ni Matias ang importansiya ng pagbibigay-pansin sa mga pangangailangan ng mga bata at ang pag-iwas sa pagpapalagay sa kanilang nauunawaan at ikinatutuwa. Imbis na limitahan ang mga kuwentong-pambata sa mga partikular na mga paksa, naniniwala siya na ang mga publishers ay kailangang manatiling tumutugon sa nagbabagong mundo at magtiwala sa kakayahan ng mga kabataang mambabasa.


“Kung ano ang kailangan ng bata, iyon ang dapat na isulat. Maging mapagmatyag at huwag i-underestimate ang kakayahan ng bata,” wika niya.


Ang kaniyang sariling karanasan bilang batang mambabasa ay humubog sa kaniyang perspektibo. Inalala ni Matias kung paano siya natuto sa pagbabasa ng komiks, na hindi masyadong tinatangkilik noong bata pa lamang siya. Nang makita niya ang mga kuwentong pambata sa Bologna Children’s Book Fair, doon niya unang naramdaman ang “gutom” na nag-udyok sa kaniyang gawing mas accessible ang mga libro sa mga bata. Ito ang patuloy na umiimpluwensiya sa kaniya bilang isang publisher.


Gayundin, ang importansiya ng pinagsamang effective reading instruction at literatura ay ipinakita sa conference sessions na pinangunahan ng Lampara Books. Tinalakay ni Calado ang beginning reading strategies sa “Small Groups, Big Reading Gains: Beginning Readeing with Let’s Read and Magbasa Tayo!”, samantalang binaybay naman ni Villanueva ang reading remediation sa kaniyang session na “From Sounds to Stories: Reading Remediation through Phonics, Comprehension, and Children’s Literature.”


Sa huling araw ng conference, kasali sina Matias at Evasco sa “Literacy Champions Panel: Creating Stores, Building Readers,” kung saan sinuri ang papel ng mga kuwento at panitikang pambata sa pagpapaunlad ng mga mambabasa at sa pangangalaga sa kultura ng pagbasa.

Hindi natapos sa conference sessions ang sigasig ng mga dumalo, dahil sila rin ay nagtipon sa Lampara Books booth para sa book signing ng mga awtor. Mapapansin din ang pananabik sa tuwing pinapahayag ni Matias ang pagsisimula ng Lampara Books mula sa Precious Pages Corporation at ang nagpapatuloy na popularidad ng Precious Hearts Romances, na umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga kalahok na lumaking nagbabasa ng mga libro mula rito. Ang kanilang tugon ay nagbigay ng sulyap sa pangmatagalang impluwensiya ng Filipino reading culture at sa personal na koneksyon na nabubuo ng mga mambabasa sa mga kuwento at mga manunulat.


Sa partisipasyon ng Lampara Books, kanilang naipagpapatuloy ang pagsuporta sa mga talakayan at inisiyatibo na tumutulong na mailagay ang pagbabasa at access ng mga bata sa literatura sa gitna ng mga pagsisikap para mapatibay ang literasi.




Sulat ni Gary Ann Lastrilla

Isinalin sa Filipino ni Bea Nicole Aguilan


 
 
 

Comments


bottom of page