“Ikaw ang lahat sa akin, ngayon at sa mga susunod na panahon.”
Dahil hindi mahal ni Haya ang lalaking gustong ipakasal sa kanya ng kanyang ama at dahil wala pa sa isip niya ang pag-aasawa, lumayas siya sa kanila. Nangako siya sa sariling babalik lang kapag natagpuan na ang lalaking mamahalin at pagsisilbihan.
At sa isiping iyon, tutol ang loob niya sa paglitaw ng isang imahen sa kanyang isip: ang imahen ni Elmo Mirano.
Katabi niya ito sa tren na sinakyan patungong Legaspi City. At talagang naiinis siya rito sa halos kawalan ng konsiderasyon. Halos sakupin na nito ang espasyo niya. Hindi lang iyon—nakadikit o mas tamang sabihing nakapatong na ang braso nito sa kanya.
Naiinis si Haya, pero naggugumiit pa rin sa kanyang isipan ang matigas na muscles ni Elmo na hindi maikubli ng suot na polo; ang makakapal nitong kilay at likas na mapupulang labi; ang init na sumisingaw sa katawan nito, na lalong nagpaasiwa sa kanya. Hindi pa man nakararating sa kanyang destinasyon ay mukhang babalik na si Haya sa kanila—kasama si Elmo Mirano.