“Lagi kitang hahayaang magpahinga… sa yakap ko…”
Matinding sakit ng kalooban at isang nakatakdang pag-ibig. Iyon ang mga mararanasan ni Danni, ayon sa matandang manghuhula na nakilala niya. Hindi naniniwala si Danni sa mga hula-hula o kahit sa “destiny.” Pero nang mga sumunod na araw ay tila nagkatotoo ang mga sinabi ng matanda.
Nakilala ni Danni si Raphael sa sitwasyong pakiramdam niya ay sobrang naging unfair sa kanya ang mundo. Ang dating iniisip ng lahat na “perfect life” niya ay gumuho dahil sa isang lihim—ang dahilan kung bakit malayo ang loob ng ama sa kanya.
Sa gitna ng magulong isip, ginusto niyang lumayo—at sinamahan siya ni Raphael na para bang magkaibigan sila. Ginawa nito ang lahat para maging magaan ang sitwasyon.
Kung needy lang si Danni o may iba pang dahilan kaya mabilis na nahulog ang loob niya kay Raphael ay hindi niya alam. Ang malinaw lang, gusto niya ang bawat sandaling magkasama sila. Gusto niya ang mga yakap at halik ni Raphael.
Ngunit hindi ganoon kadaling pagbigyan ang sarili—dahil may ibang babae sa puso ni Raphael. Hindi basta “ibang babae” lang kundi ang mismong pinsan pa niya.
Hindi kaya ibang lalaki ang nakatakdang pag-ibig na tinutukoy ng manghuhula?