Basahin ang Kuwentong Nanay na isinulat ni
Segundo D. Matias
Note: point the mouse cursor on text to stop playing, then remove the mouse cursor to resume
 
 
 
“Huwag kang malikot; baka mahulog ka!”


“Ang batang ito talaga.”


“Hindi ka ba pinagalitan ng teacher mo?”


“Hindi ka ba naulanan?”


“Hindi ba nagkulang ang baon mo?”


“Ang likod mo, baka basa. Huwag mong kalilimutang maglagay ng sapin, ha?”



“O, kung maglalaro kayo ng mga kapatid mo, huwag kayong lalayo.”



“Huwag kayong aakyat sa puno at baka mahulog kayo at mapilayan.”



“Bago magtakipsilim umuwi na kayo.”



Ang mga ito ang lagi kong naririnig kay Inay noon pa man. Pakiwari ko, marami siyang sinasabi na halos pare-pareho lang naman.

 



Sabi ni Inay nang ipanganak niya ako, natakot siya pagkakita niya sa akin. Napakaliit ko raw. Kasinlaki ko lamang daw ang isang litro ng soft drink. Gayunpaman ay nahirapan daw siya nang iluwal niya ako.



“Kaya ingat na ingat ako sa batang iyan,” ang lagi kong naririnig na sinasabi niya tuwing pinag-uusapan nila ako nina Aling Coring at Aling Rosie.



At sa tuwing makikita ako ng mga kakuwentuhan niya, laging pinipisil ang mga pisngi ko. Cute na cute daw ako.



“Aray!”  Tuloy, laging sumasakit ang mga pisngi ko.


May tanimang manggang namana ang Tatay. Doon nanggagaling ang aming ikinabubuhay.  Ako ang panganay. Sina Melinda at Kokoy ang sumunod sa akin.



Sa umaga’y nauuna ang aking nanay sa paggising para magluto ng almusal at ng baon namin ni Itay. Bago ako umalis patungo sa aming paaralan, huhugot ng perang baon ang aking inay sa bulsa ng kanyang duster. “Mag-iingat ka Teresa. Dahan dahan sa pagtawid sa kalsada.”

 



Pag-uwi ko galing eskuwelahan, nakasalubong na sa akin si Inay. “Kumusta ka na? Hindi ka ba nahirapan sa mga leksiyon n’yo? Hindi ka ba naulanan? Nagkasya ba ang baon mo?”




Marami siyang mga tanong, paulit-ulit. Minsan itinatanong ko sa aking sarili. “Wala na bang ibang sasabihin si Inay?” Parang sumasakit na ang tainga ko sa paulit-ulit na bilin at mga tanong.”

 



Ilang sandali lamang `pag ako’y nakapagbihis na ng pambahay, makikipaglaro ako sa aking dalawang kapatid sa may parang. “Mag-iingat kayo. Huwag kayong aakyat sa puno. Baka may mga ahas. Teresa, ikaw ang nakatatanda. Huwag mong pababayaan ang mga kapatid mo.”





Paulit-ulit din iyong sasabihin ni Inay. Kaya bago kami makalabas ng bahay, kabisado ko na ang lahat ng sasabihin niya.

 



Pero sa tuwing magkakasakit ang kahit na sino sa aming magkakapatid, hihinto si Inay sa lahat ng kanyang gawain. Kakausapin niya si Tiyo Yoyong na kapitbahay din namin. Dito niya ipagagawa ang pagdadala ng mga pato sa tabing-ilog at pagpapakain sa mga ito at  pagpapakain na rin sa mga baboy namin.


Hindi kami iiwan ni Inay.


Pagkatapos kaming ipa-check up sa center, ipamimitas niya kami ng dalandan at suha sa likod ng bahay.




“Heto ang kainin mo para mawala kaagad ang lagnat mo.” Iyon ang lagi niyang sinasabi at saka niya kami hihilamusan ng maligamgam na tubig, maglalagay ng sapin sa aming mga likod at sabay yakap sa amin para daw pagpawisan kami.




Oo nga at kapag pinagpawisan ako, nawawala ang init sa aking katawan.

 


Ang pera naman na kinikita ni Itay sa manggahan ay lagi nitong iniaabot kay Inay. Minsan isinasama niya ako sa pinakamalapit na bangko at doon niya inilalagay ang ibang pera.





“Kailangang mag-ipon ako para may pampaaral ka. `Di ba gusto mong maging nurse?” Matamang nakatingin siya sa akin habang sinasabi iyon.

 


Pagkatapos ay pupunta kami sa palengke. Mga karne, manok, at isda ang kanyang bibilhin. Huwag daw akong magtuturo ng kung ano-ano dahil pinagkakasya niya ang pera sa mas mahahalagang bagay gaya ng pagkain, ibang gastusin sa bahay at sa aking pag-aaral. Madadagdagan pa raw ang gastos niya kapag tumuntong na sa pag-aaral si Minda.

 




Isang araw sa aming paaralan, tinanong ko ang aking kaklaseng si Almira kung bakit lagi siyang lumiliban sa klase at bakit lagi siyang walang baon. Nagkuwento  siya tungkol sa kanyang inay. May sakit daw ang nanay niya.



“Sabi ng doktor, stroke daw.”



Stroke? Hindi ko iyon maintindihan kaya nilapitan ko ang aking teacher upang itanong kung ano ang sakit ng nanay ni Almira.




“Teresa, ang stroke ay isang malubhang sakit. Ang balita ko, hindi na makapagsalita ang nanay ni Almira. At hindi na rin siya nakakikilala ng mga tao. Pati si Almira ay hindi na niya nakikilala.”


Puwede ba iyon?


Nagulat ako nang isang umaga sa pagpasok ko sa eskuwelahan ay nagpaalam na sa amin si Almira. Hindi na raw siya kayang paaralin ng kanyang mga magulang. “Mahirap na raw gumaling ang aking inay. Sa kanyang kalagayan, baka umikli na ang kanyang buhay. Iyon ang sabi ng doktor.”

 





Sa aming magkakalase si Almira ang pinakamahusay gumawa ng tula. Bumigkas siya ng tula bago nagpaalam sa klase.





Mula pagkabata, si Inay na ang  kasiping.
Sa hirap at pasakit siya ang laging  kapiling.
Abala siya lagi sa mga gawain
Sa bahay, sa amin ay laging nakatingin
Siya ngayo’y aking kinakausap, sana ako ay  kanyang dinggin
Aking pasasalamat  `di lamang sa pagpapalaki sa akin.
Sa pag-aaruga at kalingang hindi mapantayan
Ng kahit na sino sa mundong ibabaw
Maraming salamat inay ko
Mahal kita, Inay, nais kong ngayon ay nasabi ko rin
Ngunit tila siya estatwa at blangko ang tingin
Sa mga kaklase, kalaro ko’t kaibigan,
Sabihin ninyo lagi kung gaano n’yo sila kamahal
Wala pang isang minuto’y ito’y kayang bigkasin


Naisip ko bigla si Inay.


Pag-uwi ko sa bahay sumalubong ako agad kay Inay. Ngumiti si Inay at huminto sa pagpapakain sa aming mga itik. “Kumusta ka, Anak? Hindi ka ba pinagalitan ng teacher mo? Nagkasya ba ang baon mo?--”





Hindi ko na pinatapos ang sinasabi ni Inay. Niyakap ko ang kanyang dalawang hita nang mahigpit. Bumulong ako. “Mahal kita, Inay…”




Yumuko si Inay upang magpantay ang aming mga mukha. “Anak?”



“Mahal kita, Inay…” Sinubukan kong linawin iyon at ako’y napalunok. Narinig ba niya? Bakit tila ako nahihiya?






Dumampi ang makakapal na palad ng aking inay sa magkabila kong pisngi. May nakita akong kislap sa kanyang mga mata. Siya’y napangiti. Sa ilang saglit lamang na pagsambit niyon, alam kong lubos na kaligayahan ang nadama ni Inay.

 



Mula noon, hindi ako nagsayang ng pagkakataon na hindi sabihing: “Mahal kita, Inay.” Ilang sandali lang naman ang kailangan. At madali lamang pala…


“Huwag kang malikot; baka mahulog ka!”


“Ang batang ito talaga.”


“Hindi ka ba pinagalitan ng teacher mo?”


“Hindi ka ba…”


Ngayon, mistulang musika na ang mga bilin at tanong niya sa akin.


nanay_cover .